Ang Alamat ng Buwan at mga Bituin

ni Rejimer Nube

Noong unang panahon ang mga ulap ay nasa ibabaw pa ng lupa. Ang mga unang tao noon na sina Malakas at si Maganda ay labis na nagsisikap sa pagtatrabaho upang mabuhay. Sa umaga sila ay nasa bukid upang magsaka. Si Maganda ang naghahanda ng pagkain at si Malakas naman ang nagtatanim. Tuwing sisikat ang araw, ang mga ulap ay kusang tumataas upang mamasyal sa ibat-ibang panig ng mundo. Ang araw ang nagbibigay buhay sa kanila. Kaya nga sa tuwing sasapit ang gabi, nawawalan ng buhay ang mga ulap at bumababa sa lupa hanggang sumikat ulit ang araw. Ganito ang buhay ng mga ulap.

Isang araw, habang nasa gubat si Malakas upang mangahoy, nakita niya ang isang makislap na bagay. Tila parang ginto ang bagay na kumikinang pero higit itong matingkad at makiwanag. Naisipan niyang gumawa ng isang sorpresa para kay Maganda at gawin itong isang magandang regalo. Dumaan ang ilang araw at nakagawa si Malakas ng isang magandang palamuti sa buhok, kwintas, pulseras at mga singsing para sa kanyang asawa. Labis na natuwa si Maganda sa natanggap niya galing sa kanyang asawa. Lagi niya itong isinusuot araw man o gabi.

Makalipas ang ilang linggo, ipinahatid ng isang lawin na mayroong bagyong paparating sa dakong kanilang tinitirahan.

“Ang bagyo ay nagdulot ng isang buwan na pag-ulan sa ibang dako na sinalanta nito” sabi ng Lawin na hapong hapo sapagkat siya ay tinangay ng malakas na bagyo habang naghahanap ng pagkain kaya kailangan niyang lumipad ng mabilis upang maiwasan ito.

Labis na nataranta sina Malakas at Maganda sa nabalitaan. “Ilang araw pa ba bago dumating ang bagyo sa bayang ito?” tanong ni Maganda. “Sa loob ng tatlong araw, papatak ang napakalakas na ulan na dulot ng malakas na bagyo” sagot ng Lawin.

Dali-daling sinabihan ni Malakas si Maganda na maghanda para mag-ani ng kanilang mga pananim. Makalipas ang isang araw, naani na lahat ang mga tanim na palay. Ang mga ulap sa iba’t ibang dako ay naipon sa bayan ng mag-asawa.

“Mabuti na lang at nakapag-ani na tayo, kundi at mahihirapan tayong itaboy ang makakapal na ulap sa ating lupain” wika ni Maganda.

Pagkaraan ng dalawang araw, naani na lahat nina Malakas at Maganda ang kanilang pananim na bungangkahoy sa kagubatan. Nakapag ipon na rin sila ng malinis na tubig sa batis na kanilang maiinom habang sinasalanta ng bagyo ang kanilang lugar. Naayos na rin ni Malakas ang kanilang bahay upang maging matibay laban sa mapaminsalang hangin.

“Kailangan nating bayuhin ang mga naaning palay mahal ko upang makain natin” wika ni ni Malakas. Mayroon na lamang silang isang araw upang magbayo ng naaning palay para maging bigas. Inabot na sila ng dapit hapon at hindi pa sila natatapos.

Bumaba na ang mga ulap sa lupa dahil wala na ang sikat ng araw na bumubuhay sa mga ito. Napapagod na rin si Maganda sapagkat ang mga kwintas, palamuti sa buhok at mga singsing ay mabibigat at nakakaabala sa kaniyang paggalaw. Kaya naisipan niya itong isabit sa mga ulap. Nakaramdam ng ginhawa si Maganda at nakapagtrabaho ito ng mabuti. Bago sumikat ang araw, natapos ng mag-asawa ang kanilang gawain, hanggang sa pumatak na ang tubig ulan na hudyat ng pagsisimula ng matinding bagyo.

Agad na pumasok sa kanilang bahay sina Malakas at Maganda. Pagkasara ng pinto, umihip ang malakas na hangin at noo’y naalala ni Maganda ang kaniyang mga alahas. Labis siyang nalungkot sa nangyari. Nilipad ng delubyo ang mga ulap sa lupa at tinangay sa kaitaasan ng daigdig. Lumipas ang isang buwan, at natapos ang malakas na bagyo. Ang buong daigdig ay natakpan ng makapal na ulap. Puno ng paghihinagpis ang mag-asawa dahil sa nakitang pinsalang tinamo ng kanilang lugar. Wala silang magawa kundi pagmasdan ang iniwang bakas ng kalamidad.

Hanggang nang sumapit ang gabi, habang si Maganda ay nasa bakuran ng bahay ay may nakita itong kumikislap sa kalangitan. Dali-dali nitong tinawag si Malakas at itinuro ang nga nakikitang kunikinang sa kadiliman ng kalangitan. “Tignan mo mahal ko ang mga kumikislap sa kaitasan ng langit, di nga ba iyon ang mga iniregalo mo sa akin?” sambit ni Maganda. “Oo nga aking mahal, natutuwa ako at hindi pala nawala ang mga iyon, bagkus ang mga iyon ay makikita natin bilang simbolo ng ating pag-ibig at pag-asa kahit anong kalamidad pa ang dumating sa ating buhay.

Mula noon, ang mga bituin at buwan y lagi ng makikita sa itaas ng kalangitan. Ang mga ito ay nag bibigay pag-asa sa mga tao na sa gitna ng kadilliman ng buhay, ay may pag-asang kumikislap at nagpapatibay ng ating kalooban laban sa anumang pagsubok sa ating buhay.

About these ads

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

%d bloggers like this: